Wild Animals Na Dumaan Sa Rehabilitasyon Pinalaya

Halos 50 hayop na sumailalim sa rehabilitasyon ang pinakawalan sa Angat Watershed, Huwebes ng umaga.

Kasama ito sa layunin ng Biodiversity Management Bureau na paigtingin ang controlled ecotourism sa Angat Dam.

Kabilang sa mga hayop na pinakawalan ang mga lawin, brahminy kite, mga monitor lizard, at Asian box turtles.

Dumaan muna ang mga ito sa rehabilitasyon, at tiniyak ng mga beterinaryo na kaya na nilang mamuhay muli sa ilang, tulad ng Angat Watershed, na isang protected area ng pamahalaan.

Mayroong 62,000 na ektarya ang Angat Watershed. Ipinagbabawal ang panghuhuli o pagkuha ng anumang hayop dito.

Ayon sa BMB, gusto nilang paigtingin ang controlled ecotourism, para mas maging maalam ang publiko sa papel na ginagampanan ng Angat Dam sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao at hayop.

"Puwede silang makipag-ugnayan sa opisina ng Biodiversity Management Bureau, ng DENR (Department of Environment and Natural Resources)…Bago din i-release sa isang lugar [ang isang hayop], tinitignan natin iyong lugar na maganda pa, at kayang i-support ang pangangailangan ng hayop," ani Anson Tagtag, hepe ng BMB Wildlife Management Section.

Kaugnay umano nito ang pagbibigay halaga sa ekolohiya ng lugar, at pag-aalaga sa mga hayop na naninirahan dito, sa tulong na rin ng komuninad??"ang grupong Dumagat, na matagal nang nakatira sa Angat.

"Kasinghalaga po ng buhay namin ang kalikasan, at saka po yung mga hayop na namamahay sa gubat…kasi po 'pag wala ang kabundukan, wala na rin po kami," ani Norma Roque, vice trial governor ng mga katutubong Dumagat.

Sa kabuuan, sa pamamagitan ng pagpapalaya sa mga hayop, umaasa ang BMB na magtulungan pa lalo ang mga tao para pangalagaan ang kalikasan.

Article 51314 originally posted All Rights Reserved