Tubbataha Dapat Nang Iwasan Ng Mga Barko Sa 2018

Dapat nang iwasan ng mga barko ang Tubbataha Reefs sa Sulu Sea pagdating ng Enero 2018.

Ito ay matapos aprubahan ng International Maritime Organization (IMO) ang kahilingan ng Pilipinas na madagdagan ang proteksyon para sa natural park, ani Gilberto Asuque, permanent representative ng bansa sa IMO.

Magiging epektibo ang deklarasyon para sa dagdag proteksyon sa Hunyo ngayong taon. At pagdating ng Enero, magiging "area to be avoided" na ang Tubbataha Reefs para sa mga barko, ani Asuque.

"Buong kalawakan ng Tubbatah Reefs Natural Park ay tatawagin ring area to be avoided… Ibig sabihin, 'yung mga barko, papakiusapan na huwag papasok doon dahil sensitibo 'yung lugar, dahil marine environment protected area [na ito]," ayon kay Asuque.

Taong 1993 nang ideklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) bilang natural world heritage site ang Tubbataha Reefs, isang sentro ng marine biodiversity sa mundo.

Matatagpuan dito ang mahigit 70 porsyento ng coral species sa daigdig, kaya't nararapat lamang na maging isang international concern ang pangangalaga dito.

Taong 2002 pa nang isulong na gawing "particularly sensitive sea area" (PSSA) ang Tubbataha Reefs.

Bilang isang "area to be avoided" sa susunod na taon, maghihigpit na ang mga awtoridad sa mga barko na naglalayag sa Sulu Sea, at magpapataw na rin ng parusa sa mga lalabag sa international maritime laws.

Sa ganitong paraan ay inaasahang maiiwasan na ang mga insidente tulad ng oil spill, accidental discharges, at pagsadsad ng mga barko sa Tubbataha Reefs, gaya na lamang ng pinsalang idinulot ng USS Guardian, isang barkong pandigma ng Estados Unidos, noong taong Enero 2013.

Ang pagsadsad ay sumira sa 2,345 square meters ng bahura. Nagbayad ang gobyerno ng Amerika ng $2 million para sa pinsala, na inaasahang hindi maghihilom sa maraming taon.

Ang pagpapatupad na ito ay nangangailangan ng paghahanda ng Tubbataha Protected Area Management Board, ayon kay Asuque.

"Kailangan mayroong proseso 'yung ranger station??"paano niya kakausapin at tatawagan ng pansin 'yung barko. "Papasok ka na dito sa Tubbataha, maari po bang lumihis lang kayo para naman ho hindi maperwisyo o magkadisgrasya dito ho sa napaka-importanteng lugar," ani Asuque.

Kauna-unahan ang Pilipinas sa buong Southeast Asia na kinilala ng IMO na nangunguna pagdating sa marine environment protection.

Article 50056 originally posted All Rights Reserved