Daylight Hole Sa Puerto Princesa Patok Na Destinasyon Ngayong Summer

Mahigit isang oras mula Poblacion ng Puerto Princesa ay mararating ang Barangay Cabayugan na sikat dahil sa iba't ibang tourist destinations gaya ng Underground River at Sabang Falls.

Pero sa mga mahihilig sa adventure, swak na swak ang Daylight Hole.

Para sa mga beginner, mula sa barangay hall ng Cabayugan ay kailangang maglakad ng 30 minuto bago marating ang Daylight Hole.

Patungo rito ay madadaanan ang Cabayugan River, na ang tubig ay siyang dumadaloy sa Underground River.

Bagama't mabato ang kailangang akyatin bago marating ang bukana ng kweba, sulit naman ang pagod dahil sa napakagandang tanawin at malamig na hangin.

Pagdating sa Daylight Hole, mamamangha ka sa ganda ng paligid ng kweba.

Sa mahilig sa spelunking, iba't ibang formations ng stalactites at stalagmites ang makikita. Mayroon ding iba't ibang species ng paniki.

Patuloy naman ang ginagawang pag-develop dito ng barangay at pamunuan ng Underground River.

Sisimulan ito sa pagsasaayos ng daan patungo sa Daylight Hole.

Kailangan naman ng tour guide bago pumunta sa Daylight Hole dahil may ilang parte ng kuweba na bawal hawakan dahil posible itong makaapekto sa kweba.

Patuloy naman ang pag-aaral ng La Venta Exploration sa kweba. Ito rin ang parehong grupo ng mga eksperto na nagsagawa ng pag-aaral sa Underground River.

Bubuksan sa publiko ang Daylight Hole ngayong taon bilang tourist destination at Community Based Sustainable Tourism Site sa Puerto Princesa.

Article 49573 originally posted All Rights Reserved